top of page
Search

Pa-print po. Isang copy lang po. Colored.

  • Writer: heheheherson
    heheheherson
  • Aug 8, 2020
  • 5 min read

Updated: Apr 30, 2024

Kagalang-galang na Punong-lungsod ng Maynila Francisco "Isko Moreno" Domagoso, ang lodi at petmalu nating Yorme, Ginoong Ramon S. Ang, ang magiting na pinuno ng San Miguel Corporation at tunay na batang Maynila, Pangulong Emmanuel A. Leyco, ang ama ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na napakabuti at puno ng malasakit sa kanyang mga anak, mga kasapi ng Board of Regents na buo ang dedikasyon sa paglinang ng kagalingan ng mga mag-aaral, mga masisipag na lingkod-bayan at kawani ng Pamantasan, mga mahuhusay na dalubguro, mga marangal na panauhin, mga magulang na bayani ng bawat pamilya, mga minamahal na Manileño na tinutustusan ang pag-aaral ng bawat PLMayer, at mga nagsipagtapos:


The first-ever virtual commencement exercises of Pamantasan ng Lungsod ng Maynila


Marami tayong gusto para sa Pilipinas at mga Pilipino. Gusto nating tuluy-tuloy ang paglago ng ekonomiya ng ating bansa. Gusto nating maraming pagpipilian na maginhawang pampublikong transportasyon ang mga Pilipino. Gusto nating dumami pa ang mga banyaga at turistang humahanga‘t dumarayo sa ating bayan. Hinahangad nating mayroong maayos na pagamutan at magagaling na doktor ang bawat pamayanan, nakakapag-aral nang maayos ang kabataang Pilipino, mababa ang bilang ng krimen, may modernong sandata ang ating kasundaluhan sa kanilang pagtatanggol sa soberanya ng ating bansa, at mayroong matagalang kapayapaan na tinatamasa ang mga kababayan nating naiipit sa ‘di matapos-tapos na sigalot. Gusto nating mabilis ang Internet connection speed sa Pilipinas. Gusto nating abot-kaya ang bayad sa kuryente at tubig. Gusto nating malinis ang ating kapaligiran. Gusto nating sagana ang inaaning palay ng ating mga magsasaka maging ang nahuhuling isda sa ating karagatan. Ninanais din nating maging maayos ang sistema ng katarungan, pagpapatupad ng batas, maging tuluyang pagwawakas ng katiwalian sa ating bayan. Gusto nating makaahon sa kahirapan ang mga hikahos nating kababayan, mayroon silang disenteng trabaho, at hindi nagugutom.


Masyado po tayong seryoso. Mayroon din tayong mga simpleng pangarap. Pangarap nating malibot ang buong Pilipinas. Pangarap nating manalo sa lotto. Pangarap nating magkaroon ng pag-asa kapag inamin na natin ang ating nararamdaman sa binibining kumukumpleto ng ating araw sa tuwing siya ay ating nakikita. Pangarap natin na kung magbalandra tayo ng "free hugs" na placard ay lalapit siya upang humingi ng yakap. Siyempre, kapag napasagot na natin siya, pangarap natin na boto sa atin ang kanyang mga magulang.


Maraming matamis, mapait, maalat, maasim, at maanghang na pangyayari ang ipinaranas sa atin ng Pamantasan. Ipinamukha nito sa atin ang reyalidad ng buhay sa labas ng institusyong ito. Marami tayong nakasama, nasandalan, natulungan, nakahalubilo, nakalaban, nakabangga, at nasaktan. May mga taong nawala at bumalik. May mga taong nagpakatotoo at nanloko. May mga taong ating kinamuhian at kinaibigan. May mga taong ating natagpuan ngunit sadyang hindi itinadhana para sa atin.


'Yan pa rin ang buhay na ating haharapin pagkatapos mag-aral. Ngunit hindi ibig sabihin nito na kalimutan na ang ating mga natutunan sa mga lecture, laboratory session, design project, seminar, field trip, at iba pang aktibidad na ating isinagawa bilang PLMayer. Huwag nating kalimutan na ang mitochondria ang powerhouse ng cell. Huwag nating kalimutan na kapag sinabing compounded quarterly ay hahatiin sa apat ang isang taon kung kukwentahin ang interes. Huwag nating kakalimutan na ang disenyo ng mga gusali at tahanan sa Pilipinas ay saksi sa ating makulay na kasaysayan, at ang unang mapayapang rebolusyon sa EDSA ay nagtapos noong ika-25 ng Pebrero, taong 1986. Huwag din nating kalimutan na ang integral ng sin(x) with respect to x ay -cos(x) + C, ang nasa pinakailalim ng Maslow’s Hierarchy of Needs ay physiological needs, ang equation ng Ohm’s law ay voltage equals current multiplied by resistance, ang freedom of expression ay ginagarantiya ng ating Saligang Batas, at ang pagtatapon ng basura sa bangketa ay ipinagbabawal sa Republic Act No. 9003. Iba ang taong maraming alam sa panahon ngayon.


Ngunit sa ilang pagkakataon, nakakalimutan natin ang pinakamahalagang aral ng buhay. Dahil sa mga krisis na ating kinakaharap, sa ating pagkakawatak-watak dulot ng magkakaibang prinsipyo, at sa pagsisikap na matupad ang ating mga pangarap, nakakalimutan natin ang mabuting pag-uugali na itinuro sa atin taun-taon mula elementarya hanggang hayskul, ang tamang asal na paulit-ulit pinapaalala sa atin ng ating mga magulang, at maayos na pakikitungo sa kapwa na tinalakay sa Values and Professional Ethics na ating pinag-aralan sa kolehiyo. Kahit gaano pa tayo kagaling sa ating propesyon at kahit gaano pa karami ang ating naiambag sa kinabibilangan nating larangan, kung hindi tayo nagpapamalas ng mabuting asal at pakikipagkapwa-tao, kababaang-loob, katapatan, at disiplina, walang saysay ang ating mga narating sa buhay at mananatili tayong lugmok sa paatras na pag-unlad ng ating bayan.


Tayong mga Millennial at kabilang sa tinatawag sa Generation Z ay mahusay sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya. Gamitin natin ang talentong ito sa mabuti at huwag sa mga bagay na makasasama sa lipunan. Sa pagtapak natin sa mundong mapanubok at mabilis magbago, tandaan natin ang mga gabay na itinuro sa atin ng mga naunang henerasyon. Isabuhay natin ang angking kakayahan ng Generation X sa paggalang sa nagkakaibang paniniwala, pinagmulan, katayuan sa buhay, at kagustuhan ng bawat tao. Maging gabay naman natin sa paglaban sa mga hamon ng buhay ang naranasan ng mga Baby Boomer upang hindi na maulit ang mga pagkakamali sa kasaysayan, at tularan natin ang kasipagan at katatagan ng Silent Generation at mga mas nauna pang henerasyon. Ito ang unang hakbang sa pagsasakatuparan ng ating ambisyon.


Ito na ang pagkakataon upang matamasa ang ating mga kagustuhan para sa bayan. Sa pagkakanya-kanya natin ng industriya o sektor na papasukin, ang bawat isa sa atin ay inaasahang magbigay ng produktibong ambag sa lipunan. May kanya-kanya tayong talento; palakasin natin ito upang hindi masira ang mga magandang nasimulan. Mayroon din tayong mga kahinaan, ngunit maniwala tayong mayroong tutulong sa ating makaangat at hindi tayo maiiwan. Patibayin natin ang pundasyon tungo sa pag-asenso ng ating bayan nang nagkakaisa at walang naghahatakan pababa.


Ngayong araw na tayo ay nagsipagtapos ay masarap ang magpasalamat. Maraming-maraming salamat sa ating mga magulang, kapatid, kaibigan, kaklase, kasama sa org, kahalubilo, kasintahan, guro, propesor, kawani, at opisyal na tumulong sa ating pagtakas sa kamangmangan at mal-edukasyon. Ngunit may bagay na mas masarap gawin kaysa magpasalamat: ang humingi ng tawad. Patawad po sa mga taong ating nakaaway, naapakan, natapunan, natamaan, napadapa, at nasaktan. Tao lamang po tayo: nagkakamali, ngunit handang matuto. Pero ang pinakamasarap sa lahat, alam n’yo po ba kung ano? Ang magpatawad. Mabuti nang magtapos tayo nang walang naiwang tinik sa ating kalooban. Kaya’t sa mga taong nakasakit, nang-away, nakatapak, nakaistorbo, nambatikos, at nagpairita sa atin, buong puso po nating inaalay ang pagpapatawad. Kung pinatatawad ng Diyos ang mga nakagawa ng mabigat na pagkakasala, nararapat lamang na tayong mga mortal ay dapat marunong magpakumbaba at magpatawad sa mga nakagawa ng kasalanan sa atin.


Tayo po ngayon ay nakararanas ng pandemya. Magnilay-nilay po tayo, kahit isang saglit, para sa mga taong binubuhat ang pasanin ng COVID-19. Alalahanin natin ang mga pumanaw sa sakit na ito at tandaan natin na hindi lamang sila numero. Bagkus, kilalanin natin na noong sila pa‘y nabubuhay, sila‘y kagaya rin natin: nagmamahal at nangangarap. Bigyan naman natin ng lakas ng loob ang mga frontliner sa kanilang paggampan sa tungkulin. Sa paghuhugas ng kamay, pagsuot ng proteksyon sa mukha, at pag-iwas sa mataong lugar, mababawasan natin ang kanilang pagod at kalungkutan. Higit sa lahat, suportahan natin ang mga dalubhasang nakatutok sa paghahanap ng lunas sa nakakahawang sakit na ito, at maniwala tayo na sa kanilang talino‘t tiyaga ay babalik na sa normal ang ating mga buhay.


Sa paglabas natin sa apat na sulok ng silid-aralan, huwag nating susukuan ang mga pagsubok na darating. Yapusin natin ang mga pagbabago, ngunit huwag nating tatalikuran ang tradisyon ng paggawa ng mabuti sa kapwa at pagtalima sa mga mabubuting asal. Siguro nga, kahawig ng sinabi ni Bob Ong sa kanyang libro na "ABNKKBSNPLAko?", 5-10% lang ang Attitude o Character sa grading system ng mga kursong kinuha natin, ngunit sa totoong buhay, ang taong may mabuting kalooban ang makatatamasa ng ganap na karunungan, kaunlaran, at kadakilaan para sa kanyang sarili, pamilya, bayan, at sangkatauhan.


Maraming salamat po, magandang araw, at mabuhay po tayong lahat!



This is the transcript of my "if given a chance to address the PLM Class of 2020" speech. The photo was retrieved from the official PLM Facebook page. To watch the PLM 52nd Commencement Exercises, click here.

 
 
 

留言


Subscribe Form

  • linkedin
  • instagram

© 2020 | Proudly created with Wix.com

bottom of page