top of page
Search

22 mabuting asal na dapat isabuhay at 1 malaking hiling

  • Writer: heheheherson
    heheheherson
  • Aug 18, 2020
  • 8 min read

Updated: May 28, 2024

Noong ika-25 ng Hunyo, taong 2020, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batas Republika Blg. 11476 o GMRC and Values Education Act na layong gawing hiwalay na asignatura sa kurikulum ng K-12 program ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct at Values Education.


Habang umaasa tayong maipatutupad nang agaran at maayos ang bagong batas, narito ang dalawampu’t dalawang (22) mabuting asal at wastong pag-uugali na dapat nating isaisip, isapuso, at isagawa. Sagutin natin ang mga inihandang katanungan ukol dito, at hulaan po ninyo ang aking wish para sa aking kaarawan.


Ganap nang batas ang pagsasainstitusyon ng Good Manners and Right Conduct at Values Education bilang mga pangunahing asignatura na ituturo sa mga mag-aaral. Ang mga asignaturang ito ang hahalili sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao na ginanap sa K-12 program na nagsimula noong 2013. Larawan mula sa CNN Philippines


1. Maginoo

Pauwi ka na mula sa maghapong pagtatrabaho at maraming tao sa istasyon ng tren kung saan ka sumakay nang may isang skip train na dumaan. Dahil una ka sa pila, nakakuha ka ng isang puwesto ng upuan. Isang matanda na may kasamang bata at bitbit na malaking bag ang sumakay ngunit pareho silang nakatayo dahil wala nang bakanteng upuan. Bilang isang taong may mabuting asal, ano ang susunod na hakbang na iyong gagawin?

K. Pumikit at matulog dahil nakakapagod ang maghapong trabaho

L. Sabihan ang katabi na tumayo upang ilagay sa kanyang inuupuan ang malaking bag

M. Ibigay sa nahihirapang matanda at bata ang komportableng inuupuan

O. Pababain ang matanda at bata at sabihing bumili sila ng sasakyan para ‘di sila mahirapan


2. Mapagpakumbaba

Ikaw ang hinirang na kampeon sa isang patimpalak at binigyan ka ng pagkakataong magtalumpati sa harap ng iyong mga nakalaban. Ano ang sasabihin mo sa kanila?

a. Kilalanin ang ipinamalas nilang husay sa pakikipaglaban

b. Ipamukha ang pagiging talunan nila

c. Pagbawalan silang sumali sa susunod na patimpalak dahil matatalo lang ulit sila

d. Pauwiin ang mga nakalaban at huwag nang magtalumpati


3. Matipid

Bumili ng alkansya ang iyong ina. Ano ang pinakaangkop na maaari mong gawin dito?

a. Itapon ito at isiping walang sakunang mangyayari sa hinaharap

b. Ugaliing maghulog sa alkansya ng natirang pera sa allowance

c. Gawing laruan ang alkansya

d. Huwag itong gamitin kung wala namang pag-iipunan


4. Maagap

Dahil masama ang panahon, suspendido ang pasok sa paaralan ngayong araw. Mayroon kang takdang-aralin na ipapasa sa susunod na linggo at maluwag ang iyong schedule. Ano ang pinakamagandang maaaring gawin?

g. Maligo at magtampisaw sa ulan

h. Maglaro ng online games

i. Simulang gawin ang takdang-aralin at sikaping matapos ito

j. Mamasyal sa mall kasama ang mga kaklase


5. Matimpihin

Nakahinto ang minamaneho mong sasakyan dahil naging kulay pula ang ilaw sa stoplight. Nang maging kulay luntian ito, hindi umuusad ang sasakyan sa iyong harapan at hindi mo malaman ang dahilan. Ano ang gagawin mo?

s. Lumabas at mahinahong kumatok sa pintuan ng drayber ng sasakyan

t. Lumabas at sipain ang likuran ng sasakyang hindi umaandar

u. Bumusina nang malakas at paulit-ulit hanggang umusad ito

v. Banggain ang sasakyan upang umandar ito


6. Magalang

Nakita mo ang iyong mga nakatatandang kamag-anak sa family reunion ng inyong angkan. Ano ang dapat mong gawin sa unang pagkakataon na makita mo sila?

x. Huwag pansinin ang mga kamag-anak na kaiba mo ng paniniwala sa pulitika

y. Tapikin nang malakas ang kanilang likuran

z. Ipaalala ang ‘di nila nabigay na aginaldo noong Pasko at manghingi ng pera sa kanila

a. Magmano sa bawat isa sa kanila


7. May malasakit sa kapwa

Ikaw ang team leader sa isang proyekto para sa kliyente ng pinagtatrabahuan mong kumpanya. Sa araw ng paggawa ninyo, nag-chat ang isa mong katrabaho na hindi siya makakapasok dahil biglang nagkasakit ang kanyang kapatid at walang ibang tao na maaaring magbantay. Ano ang i-re-reply mo sa kanya?

m. Isumbat ang katiting na naiaambag niya sa grupo

n. Pagbigyan siyang lumiban muna at hilingin ang mabilis na paggaling ng kanyang kapatid

o. Pilitin siyang pumasok at hikayating iwan ang kanyang kapatid

p. Takutin siya na idodoble ang kaltas sa kanyang sahod


8. Malinis sa kapaligiran

Naubos na ang kinakain mong biskuwit habang ikaw ay naglalakad pauwi, ngunit wala kang makitang basurahan. Ano ang gagawin mo sa balat ng iyong pinagkainan?

e. Pasimpleng ilalagay sa bag ng taong nasa harapan sa paglalakad

f. Isusuksok sa isang sulok na pinagtatapunan din ng basura ng ibang tao

g. Ibubulsa at itatapon ang balat sa basurahan sa bahay pagdating doon

h. Itatapon na lang sa kalsada at umasang may magwawalis nito


9. Malinis sa katawan

Nagkasundo kayo ng iyong kababata na makipagkita sa isang parke. Alin sa mga sumusunod ang dapat mong gawin bago ang inyong pagkikita?

K. Mag-spray ng pabango na may matapang na amoy

L. Magsipilyo bago umalis ng tahanan

M. Magpapawis at pigain ang damit kapag basang-basa na

N. Huwag nang maligo dahil maaaksaya nito ang oras sa pagpili ng susuoting damit


10. Maaasahan

Gaganap kang extra sa isang pelikula. Humingi sa iyo ng tulong ang direktor sa paghahanda sa mga props at pag-se-set up ng tagpuan ng mga kukunang eksena. Ano ang una mong gagawin kung nakarating ka sa lokasyon ng shooting nang mas maaga sa call time?

u. Itanong sa production manager ang mga gagawin

v. Isabotahe at patagong sirain ang mga props

w. I-demand na taasan ang makukuhang talent fee

x. Taguan ang direktor at bumalik na lang kapag nagsimula na ang shooting


11. Masayahin

Nagdiriwang ng kaarawan ang iyong kaibigan na nakararanas ng kalungkutan matapos ang hindi inaasahang pangyayari sa kanyang pamilya. Ano ang gagawin mo para sa kanya?

l. Pagtawanan ang kanyang pagmumukmok at pinagdaraanan

m. Tuyain ang kanyang pangangayayat

n. Magpa-surprise party para sa kanyang kaarawan upang mapawi ang kanyang lungkot

o. Magpa-surprise party nang hindi siya niyayaya


12. Magiliw sa kaninuman

Dumating sa inyong tahanan ang mga bisita ng iyong ina, ngunit lumabas siya ng tahanan pansamantala at hindi pa siya makababalik agad. Alin sa mga sumusunod ang hindi mo dapat gawin sa mga bisita?

z. Alukin sila ng pagkain at inumin

a. Ibigay sa kanila ang magandang upuan sa inyong bahay

b. Palabasin muna sila hangga’t hindi pa dumarating ang iyong ina

c. Buksan ang electric fan at itapat ito sa kanila


13. Matulungin kahit walang kapalit

Inatasan ka ng iyong guro na sumali sa gagawing Christmas caroling na layong makalikom ng pondo para sa isasagawang outreach program sa isang orphanage. Ano ang iyong susunod na hakbang?

p. Tumangging sumali kapag sinabing walang makukuhang komisyon sa malilikom na pondo

q. Magdahilang hindi nagdiriwang ng Pasko ang iyong pamilya kahit kayo ay Katoliko

r. Pilitin ang guro na taasan ang iyong grade kapalit ng pagsali sa caroling

s. Maghanda ng mga awitin at simulan ang pag-eensayo


14. Masunurin sa mga patakaran

Walang nakabantay na traffic enforcer sa isang nagsasalubong na abenida at wala masyadong sasakyan. Tatawid ka papunta sa kabilang panig ng kalsada at nananatiling kulay pula ang stoplight para sa mga pedestrian. Kung alam mong wala namang camera na nakatutok sa tawiran, ano ang iyong gagawin?

R. Sumayaw sa gitna ng abenida

S. Hintaying maging luntian ang pedestrian stoplight bago maglakad

T. Tumakbo nang mabilis papunta sa kabilang panig ng kalsada

U. Hintaying may tumawid at gayahin ito kahit kulay pula pa ang stoplight


15. Marunong makiramdam sa damdamin ng iba

Nakasakay ka sa isang jeepney na puno ng pasahero nang biglang mag-text ang iyong kasintahan na siya ay tatawag dahil mayroon siyang mahalagang sasabihin. Nag-ring ang iyong cell phone at in-accept mo ang kanyang tawag. Ano ang susunod mong gagawin?

x. Lakasan ang boses at ipangalandakang kausap mo ang iyong kasintahan

y. Itapat ang bibig sa tainga ng katabing pasahero

z. Sabihan ang tsuper na huwag humarurot upang marinig nang maayos ang kausap

a. Takpan ang bibig upang hindi tahasang marinig ng iba ang inyong usapan


16. Marunong manaliksik

Ikaw ay magbebenta ng laptop sa isang taong nakilala mo sa social media at sinabihan mo siya na magkita kayo sa isang fast food restaurant. Alin sa mga pagpipilian ang hindi kaaya-ayang gawin bago ang inyong pagkikita?

B. Alamin kung maaari siyang kumain ng pagkain sa restaurant ayon sa kanyang relihiyon

C. Alamin ang kanyang tirahan at gawing malapit sa kanya ang lugar na pagkikitaan ninyo

D. Magpasya kung itutuloy ang pagkikita base lamang sa kanyang profile picture

E. Ipasama siya sa isang guardian kung malaman mong menor de edad pa lang siya


17. Mabuting tagapakinig o tagabasa

Sumasakay ka ng bus papasok ka sa iyong trabaho araw-araw at may mahalaga kang gagawing trabaho ngayong araw. Habang nasa bahay ka pa, nabasa mo sa online post ng isang lehitimong news outlet at napanood mo sa telebisyon ang anunsyo na suspendido ang lahat ng pampublikong transportasyon dahil ipatutupad ang community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng isang nakahahawang sakit. Ano ang una mong gagawin?

M. Magtanong sa Comments section ng news outlet kung papayagan ang pagsakay sa taxi

N. Pumunta sa istasyon ng MRT at tingnan kung bukas pa ito

O. Ikumpirma sa iyong boss kung tuloy pa ba ang trabaho sa araw na iyon

P. Hiramin ang sasakyan ng inyong kapitbahay at mag-road trip sa mga maluwag na kalsada


18. Marunong rumespeto sa pananaw ng iba

Sumakay ka sa isang ride-hailing transport service at nakipagkuwentuhan sa iyo ang tsuper ng iyong sinasakyan. Ano ang gagawin mo kapag nalaman mong miyembro siya ng isang religious sector na bumoto sa isang kandidato na hindi mo binoto noong nakaraang halalan?

V. Maingat na magsabi ng counter-argument at siguruhing hindi siya masasaktan

W. Bigyan siya ng 1-star rating sa rate and review section ng app ng transport service

X. Kunan siya ng litrato at i-post ang kanyang mga sinasabi online

Y. Makipagtalo at libakin ang religious sector na kanyang kinabibilangan


19. Marunong magpasalamat

Bibisita sa inyong barangay ang isang mayaman at sikat na negosyante upang magsagawa ng isang donation drive. Ano ang gagawin ng isang taong may mabuting pag-uugali sa kanyang pagdating?

H. Magpasalamat at kantiyawan siya na gusto lang niyang magpasikat sa mga tao

I. Magpasalamat at salubungin siya ng isang masigabong palakpak at pagkilala

J. Magpasalamat at mag-rally para paalisin siya agad dahil sa mga hinaharap niyang isyu

K. Magpasalamat at isigaw ang kanyang kapintasan habang siya ay nagtatalumpati


20. Mapagpatawad

Nag-spike ang manlalaro ng kalaban ninyong koponan sa volleyball, ngunit sa iyong pagnanais na masalo ang bola, tumama ito sa iyong mukha. Lumapit sa iyo ang nasabing manlalaro at humingi ng paumanhin sa iyo. Ano ang gagawin mo?

D. Tatanggapin ang kanyang paumanhin dahil hindi naman niya ito sinasadya

E. Ibabato pabalik sa kanya ang bola

F. Susuntukin siya

G. Pagbabantaang aabangan siya sa labas pagkatapos ng laro


21. Marunong humingi ng tawad

Ipinakita ng iyong kaklase ang kanyang bagong libro na nagustuhan niya dahil daw sa napakagandang istorya nito, kaya’t nagpasya kang hiramin ito at pumayag naman siya. Bagama’t iningatan mo ang pagbubuklat nito, napilas ang ilang bahagi ng libro at nakita ito ng iyong kaklase. Ano ang sasabihin mo sa kanya?

-2.Sorry. Manipis kasi ‘yong mga papel ng libro tapos na-distract pa ako kaya napunit.”

-1.Sorry, hindi ko talaga sinasadya. Papalitan ko na lang kapag may pera na ako.”

0.Sorry, itapon na lang natin ‘to. Wala naman nang pakinabang.”

1.Sorry, pero tutal nasira na ‘yong ibang page, sirain na natin ang buong libro na ito.”


22. Matapat

Nagtapos ka ng pag-aaral at nag-apply ka ng trabaho sa isang kumpanya bilang isang Software Developer. Mahaba ang pila dahil maraming naka-schedule na interbyu sa araw na nag-apply ka. Upang mawala ang pagkabagot, nakipagkuwentuhan ka sa mga kasama mo sa pila. Nabanggit nila na marunong silang gumamit ng hindi bababa sa limang programming language at sila ay nakapag-training sa mga sikat na kumpanya. Hindi naman ganoon karami ang alam mong language at hindi tugma ang kumpanya ng trabahong iyong ina-apply-an sa kumpanya kung saan ka nag-training. Tinawag ka na dahil ikaw na ang iinterbyuhin, tinanong ka kung ilang language ang alam mo, at inalam kung saan ka nag-training. Ano ang isasagot mo?

6. “Marami po akong alam na language at nag-training po ako sa ibang bansa.”

7. “Hindi pa ba ninyo nababasa ang isinumite kong curriculum vitae?”

8. “Ang mas mahalaga ay wala akong criminal record at mabait ako.”

9. “Dalawa lang po at sa ibang kumpanya po, pero handa po akong ma-train at matuto.”


Alam ko pong wish din ninyo ang wish ko.


Manalig tayo! Malalampasan natin ito!

 
 
 

Comentários


Subscribe Form

  • linkedin
  • instagram

© 2020 | Proudly created with Wix.com

bottom of page