Isang sulat na nakalakip sa resibo ng in-order na inihaw
- heheheherson
- May 8, 2020
- 3 min read
Updated: Apr 16
Noong ako ay nasa hayskul pa, malimit ko lamang kahiligan ang mga asignaturang may kinalaman sa pagnenegosyo o pananalapi. Nang makapasa ako sa engineering, nabatid kong hindi na ako makikipagsalubong sa anumang aspeto na may kinalaman sa pagdadala ng pera.
Hindi pala.

Ang bandera ng ICpEP.se-PLM
Naging ingat-yaman ako ng kapisanan para sa mga nangangarap maging computer engineer gaya ko. Ang pagiging bantay ng kaban ng ICpEP.se-PLM sa loob ng dalawang taon ay nag-iwan ng magandang aral na higit pa sa mga konseptong inaaral sa Taxation at Engineering Economy, o sa kung paano bitbitin ang salaping hindi ko personal na pag-aari.
Mahirap ngunit sulit ang mga tungkulin ng isang treasurer. Ang pagbabadyet ay isang mapanghamong gawain para sa akin dahil nakasalalay roon ang kahahantungan ng mga inoorganisang gawain. Kasama rin sa ginagampanan kong papel ang pagpapasya kung dapat bang iwaldas ang pera sa isang bagay, at kailangan ko itong pag-isipang mabuti upang hindi malustay ang kuwarta sa walang saysay. Sa bawat transaksyon na gagawin ko sa loob ng bangko, mayroong mga terminolohiyang babanggitin ang bank teller at hindi ko ito lubusang mauunawaan dahil wala akong matatas na kaalaman sa accounting. Hinaharap ko ring pagsubok ang paglabas o pagkuha ng mga resibo dahil kailangang wasto ang financial statement na ipapasa sa pagtatapos ng taong panuruan. Sa tuwing natatapos ko ang mga responsibilidad na ito, napagtanto ko ang diwa ng pamumuno ng isang tanod ng kayamanan: ang paglilingkod sa kapwa ay dapat maipamalas nang may pagtalima sa katapatan at kalidad.

Mga tagapamahala at kagawad ng ICpEP.se-PLM T.P. 2019-2020 kasama si Engr. Perferinda P. Caubang, punong tagapayo ng organisasyon, matapos ang matagumpay na General Assembly noong ika-9 ng Nobyembre, taong 2019
Ganito ang aking naging prinsipyo bilang ingat-yaman: kung ginasta ko ang datung ng organisasyon sa walang kabuluhang bagay, para na rin akong gumawa ng katiwalian, at ako'y umaabuso sa kapangyarihang inatas sa akin. Hindi man perpekto ang aking pamamalakad, palagi kong inalala na kung mawala ang tiwalang pinanghahawakan ng mga taong nagtitiwala sa akin, lalung-lalo na ni Engr. Caubang na aming punong tagapayo, wala nang patutunguhan pa ang aking paggampan sa tungkulin.

Samahang pinagbuklod ng isang matayog na pangarap
Sa mga susunod na magiging pinuno ng ICpEP.se-PLM, piliin po ninyo ang uri ng pamumuno na magpapanatili at magpapalakas ng iniatang na tiwala sa inyo. Pagsikapan po ninyo ang bawat responsibilidad dahil diyan mahahasa ang kagalingan at kabutihang-asal na nililinang ninyo sa inyong pag-aaral sa Pamantasan. Sa "bagong normal" na buhay na dulot ng krisis ng COVID-19 pandemic, maging mas innovative po sana kayo sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya na makatutulong sa pagtupad ninyo sa mga obligasyon. Yapusin po ninyo ang pagbabago, ngunit huwag ninyong tatalikuran ang tradisyon ng kahusayan, katapatan, at kababaang-loob na pinangangalagaan sa loob ng ating mahal na organisasyon at Pamantasan.

Isang espesyal at 'di ko malilimutang poster ng pagbati sa aking ika-21 kaarawan
Ako po si Heherson, ingat-yaman ng ICpEP.se-PLM mula Hunyo 2018 hanggang Hunyo 2020, nagdiriwang, nagpapasalamat, at nagpupugay sa pinaka-the best na organisasyong sinalihan ko sa PLM.
Sinulat ang pahatid na ito noong ika-29 ng Abril, taong 2020 at in-edit noong ika-30 ng Abril sa kaparehong taon. Ang mga larawan sa blog na ito ay kinuha sa Facebook group ng Institute of Computers of the Philippines Student Edtion - PLM Chapter nang naaayon sa polisiya ng malayang pagkuha ng mga in-upload na larawan sa nasabing group.
Comments